Si Bob Ong ay idol ko simula pa nung sinulat niya ang pinaka-paborito kong libro na "ABNKKBSNPLKo". Tila ginanahan akong magsulat sa Tagalog dahil sa kanya. Nawiwili akong magbasa ng mga naisulat niya kaya naman na-kumpleto ko lahat ng libro niya. Lahat kasi eh kwela at talagang mapapaisip ka sa kung bakit ganoon na lamang ang pananaw ni Bob Ong sa bagay na iyon. Masaya… nakakagaang ng loob.
Pero lahat ng ito ay naiba sa ika-anim niyang libro, ang "Macarthur". Isa itong manipis na libro na ang istilo ng pagsulat ay pa-kuwento, tulad ng kanyang "Alamat ng Gubat". Alam natin na pag Bob Ong eh masaya at makulit ang takbo ng kuwento. Kaso, sa "Macarthur", naging malagim at seryoso ang tema. Para bang hindi si Bob Ong ang nagsulat.
Dahil manipis ang libro, mabilis ko lang nabasa ang "Macarthur". Gayunpaman, hitik na hitik sa laman ang buong kuwento. Ang "Macarthur" kasi ay kuwento ng limang batang nakatira sa squatters na may kanya-kanyang istilo sa pamumuhay. Matindi ang kanilang pagkakaibigan… kaya't kahit hanggang sa kamalian eh magkakasama pa rin sila. Basta ang mahalaga sa kanila eh masaya sila.
Maganda ang pagkaka-deliver sa istorya ng "Macarthur". Oo, hindi siya kuwela na para bang hindi si Bob Ong ang nagsulat, pero napakahusay nito at talagang may aral na mapupulot sa dulo. Mararamdaman mo ang hinanakit at galit ng bawat tauhan sa kuwento, isang senyales ng isang mahusay na manunulat.
Kahit sa simula pa lang ng kuwento ay mapupuna mo agad na kakaiba ito sa mga unang naisulat ni Bob Ong. Puro mura ang libro, para bang isang indie film na ginawang aklat. Wala ang mga makukulit na banat. Walang simpleng patawa. Galit at poot ang nasa libro. Mahusay.
Pangit nga naman kung puro lang patawa ang kayang gawin ni Bob Ong. Sa "Macarthur", mas pinakita ni idol na kaya niya ring maging seryoso. Kaya niyang magbigay-buhay sa mga kuwentong malagim. Kaya niyang kumawala sa tingin sa kanya bilang isang "patawang author".
Kung bakit "Macarthur" ang pangalan ng kuwento eh alamin niyo na lang. Basta magaling ang pagkakasulat dito. Hindi basta-basta. Punung-puno ng mga kuwento ng buhay sa Pilipinas… mga buhay na hindi nakikita ng karamihan. Mga buhay ng mga taong nagtatago sa pinakamadilim na sulok ng bansa. Hindi Bob Ong ang istilo…
…mas malupit pa!