Search for Fillipino Article
Friday, September 26, 2008
Mga Salawikain
Aanhin pa ang damo kung patay na ang kabayo?
Ang gawa sa pagkabata, dala hanggang pagtanda.
Ang hindi marunong magmahal sa sariling wika, daig pa ang malangsang isda.
Ang hindi marunong tumingin sa pinaggalingan ay di makakarating sa paroroonan.
Ang langaw na dumapo sa kalabaw, mataas pa sa kalabaw ang pakiramdam.
Ang lumalakad nang mabagal, kung matinik ay mababaw. Ang lumalakad nang matulin, kung matinik ay malalim.
Ang maniwala sa sabi-sabi, walang bait sa sarili.
• Ang masamang damo, matagal mamatay.
• Ang pagsasabi ng tapat ay pagsasamang maluat.
• Ang pili ng pili, natatapat sa bungi.
• Ang taong nagigipit, kakapit sa patalim.
• Ang taong walang kibo, nasa loob ang kulo.
• Ang tunay na anyaya, sinasamahan ng hila.
• Batu-bato sa langit, ang tamaan, huwag magagalit.
• Daig ng maagap ang taong masipag.
• Damitan mo man ang matsing, matsing pa rin.
• Habang maikli ang kumot, matutong mamaluktot.
• Huli man daw at magaling, naihahabol din.
• Kung ano ang puno, siya ang bunga.
• Kung may isinuksok, may madudukot.
• Kung may tinanim, may aanihin.
• Kung nasaan ang asukal, naruon ang langgam.
• Kung sino ang masalita ay siyang kulang sa gawa.
• Kung may tiyaga, may nilaga.
• Madali ang maging tao, mahirap magpakatao.
• Matalino man ang matsing, napaglalamangan din.
• Matibay ang walis, palibhasa'y magkabigkis.
• May tainga ang lupa, may pakpak ang balita.
• Nasa Diyos ang awa, nasa tao ang gawa.
• Pagkahaba-haba man daw ng prusisyon, sa simbahan din ang tuloy.
• Sa taong may tunay na hiya, ang salita ay panunumpa.
• Walang ligaya sa lupa na hindi dinilig ng luha.
• Walang mahirap na gawa pag dinaan sa tiyaga.
• Walang mapait na tutong, sa taong nagugutom.
• Walang matigas na tinapay sa mainit na kape.
Nuti ang gumamila nula ang sampaga.
Ang catacatayac, sucat macapagcati ng dagat.
Mey malaquing halaghag, mey monting di mabuhat.
Mayaman ca man sa sabi, duc-ha ca rin sa sarili.
Caya ipinacataastaas nang domagondong ang lagpac.
Ang marahang bayani nagsasaua nang huli.
Con ga cauaya,I, tonglan. Con ga tugui banlogan.
Natotoua con pasalop, con singili,I, napopoot.
Nagmamatamdang colit, nagmumurang calumpit.
Nanati si tonqui lalong botas ang labi.
Parang pantog, cung iriin omolpot.
Ubos-ubos biyaya, pagkatapos nakatunganga.
Pagkahaba-haba man daw ng prusisyon, sa simbahan din ang tuloy.
Ang buhay ay parang gulong, minsang nasa ibabaw, minsang nasa ilalim.
Ang umaayaw ay di nagwawagi, ang nagwawagi ay di umaayaw.
Malaking puno, ngunit walang lilim.
Nasa Diyos ang awa, nasa tao ang gawa.
Madali ang maging tao, mahirap magpakatao.
Ang gawa sa pagkabata, dala hanggang pagtanda.
Kung sino ang masalita ay siyang kulang sa gawa.
Daig ng maagap ang taong masipag.
Ako ang nagbayo, ako ang nagsaing, saka ng maluto'y iba ang kumain.
Kunwaring matapang, bagkus duwag naman.
Bago ka bumati ng sa ibang uling, uling mo muna ang iyong pahirin.
Walang naninira sa bakal kundi sariling kalawang.
Walang lumura sa langit na di sa kanyang mukha nagbalik.
Di lahat ng kagalingan ay may dalang katamisan.
Pulutin ang mabuti, ang masama ay iwaksi.
Ang maniwala sa sabi-sabi, walang bait sa sarili.
Malakas ang bulong kaysa sigaw.
Walang ligaya sa lupa na hindi dinilig ng luha.
Ang kaginhawaan ay nasa kasiyahan, at wala sa kasaganaan.
Ang pagsasabi ng tapat ay pagsasamang maluat.
Kung saan ang hilig duon mabubuwal.
Yaong mapag-alinlangan, madalas mapagiwanan.
Nakikita ang butas ng karayom, hindi nakikita ang butas ng palakol.
Ano man ang gawa at dali-dali ay hindi iigi ang pagkakayari.
Ang taong walang pilak ay parang ibong walang pakpak.
Sa taong walang takot, walang mataas na bakod.
Ang bayaning nasusugatan, nagiibayo ang tapang.
Marami ang matapang sa bilang, ngunit ang buo ang loob ay kulang.
Kung ano ang puno, siya ang bunga.
Kung walang tiyaga, walang nilaga.
Kung may tinanim, may aanihin
Huli man daw at magaling, naihahabol din.
Aanhin pa ang damo, kung patay na ang kabayo.
Ang taong nagigipit, sa patalim kumakapit.
Ang tunay na anyaya, sinasamahan ng hila.
Ang taong walang kibo, nasa loob ang kulo.
Kapag apaw na ang takalan, kailangan kalusan.
Kung di ukol, di bubukol
Kung may isinuksok, may madudukot.
Habang maikli ang kumot, matutong mamaluktot.
Ang magalang na sagot, nakakapawi ng pagod.
•Mainam na ang pipit na nasa kamay kaysa lawing lumilipad.
Ang araw bago sumikat nakikita muna'y banaag.
Walang mahirap na gawa pag dinaan sa tiyaga.
Huwag kang magtiwala sa di mo kakilala.
Saan mang gubat ,ay may ahas.
Kung ano ang itinaas-taas, siyang binaba-baba sa pagbagsak.
Ang pagsasabi raw ng tapat ay pagsasama ng maluwat
Paglalagay ng pera sa bulsa para raw laging may laman ito buong taon.
Pagbabayad sa lahat ng pagkakautang bago pumasok ang Bagong Taon.
Ang hindi lumingon sa pinanggalingan, Hindi makakarating sa paroroonan.
Luha Ng Buwaya ni Amado V. Hernandez
Kagagaling ni Bandong, guro sa Sampilong, sa opisina ng Superintendente sa kabisera ng lalawigan sapagkat tinagubilinan siyang manuparang pansamantalang prinsipal sa kanilang nayon samantalang nagbabakasyon ang talagang prinsipal, si Maestrong Putin. Dinalaw ni Bandong si Pina, ang pinakamagandang dalaga sa nayon at anak ni Mang Pablo na pangulo ng PTA at sinusuyo ni Bandong, upang makipagbalitaan at magpalipad-hangin ukol sa kanyang pag-ibig. Nalaman ni Bandong na may pabatares sa pagapas kinabukasan sina Mang Pablo. Sa gapasan, nagin masaya ang mga manggagapas kahit na lumabas si donya Leona Grande, ang may ari ng pinakamalawak na lupang sakahin sa Sampilong. Napakahigpit na kasama si donya Leona.
Nang ipaghanda sa bahay-asyenda ang dalawang anak ni donya Leona, si Jun na nagtapos ng medisina at si Ninet na nagtapos naman ng Parmasya, ang mga kasamang babae at lalaki ay hugos din sa bahay na bato sa pagtulong sa mga gawain at sa pagsisilbi sa mga panauhin. Naganap sa kasayahang ito ang kaguluhang kinasangkutan ni Andres, isang eskuwater na nakatira sa pook na tinaguriang Tambakan. Nagawi sa Sampilong si Andres mula sa Maynila noong panahon ng Hapones sa pagkat natandaang sinabi ng yumaong ina na may kamag-anakan sila sa Sampilong. Nang matapos ang digmaan, si Andres at ang kanyang mag-iina ay hindi na nagbalik pa sa Maynila.
Nakilala nang lubusan ni Bandong si Andres nang ipinapasok nito sa grade one ang anak na sampung taon. Inamuki ni Bandong si Andres na magtayo ng cottage industries sa kanilang pook ng mga eskuwater ngunit pagkatapos lamang na ayusin at linisin nila ang kanilang pook. Pumayag si Andres at ang mga eskuwater sa mungkahi ni Bandong.
Bumuo ng isang samahan ang mga magsasaka at si Bandong ang tagapayo nito. Isinumbong ni Dislaw, ang engkargado at badigard ni don Severo Grande, ang unyon ng mga magsasaka.
Ikinagalit iyon ni donya Leona lalo na nang tanggapin nito ang manipesto ng mga kahilingan ng mga magsasaka. Tumanggi si donya Leona sa mga kahingian ng mga magsasaka at ang mga ito naman at tumangging gumawa sa kanilang mga saka.
Samantala’y nalinis at naayos nina Andres ang pook ng mga eskuwater at tinawag nilang Bagong Nayon. Sa tulong ni Bandong, lumapit sila ni Andres sa Social Welfare Adminitration. Nakailak sila ng pondo mulsa sa mga kanayon at sinimulan nilang itayo ang kooperatiba ukol sa industriyang pantahanan.
Ngunit ang Bagong Nayon ay sinimulang kamkamin ni donya Leona. Pagkatapos kausapin ang huwes ng bayan, isinampa ng mga Grande ang habla at ang ginamit na tanging ebidensya ay isang lumang dokumento ng pagmamay-ari. Kinasapakat din ni donya Leona ang alakalde na pinsan ni don Severo at ang hepe ng pulisya na inaanak naman sa kasal ng mag-asawang Grande.
Lumaban ang mga eskuwater sa pamumuno ni Andres. Ang samahan ng mga magsasaka at ang kooperatiba ng mga eskuwater ay nagsanib at sa tulong ni Bandong, sila ay nakakuha sa Maynila ng isang abogadong naging kaibigan ni Bandong noong nag-aaral pa siya sa Maynila.
Sa isang pagkakataon, nakatagpo ni Andres si Ba Inten na pinakamatandang tao sa nayon. Sa Pagtatanong ni Andres sa matanda, natiyak ni Ba Inten na si Andres ay apo sa tuhod ng yumaong mabait na Kabisang Resong ng Sampilong. Mayaman sa Sampilong ang nuno ni Andres ngunit nang mamatay ito ay napasalin sa mga magulang ni donya Leona ang mga aring lupa nito. Nagawa ng mga Grande na palitawing ibinenta sa kanila ni Kabisang Resong ang lupa nito bago namatay. Sa pagtatanong ni Andres sa kanilang abogado, nalaman niyang maaari pa niyang habulin ang lupa at papagbayarin ng pinsala ang mga Grande.
Sa utos ni donya Leona, naigawa ng kasong administratibo si Bandong. Si Dislaw na karibal ni Bandong kay Pina at si Hepe Hugo ng pulisya ang nakalagda sa sumbong. Nang dumating ang pasukan, isang bagong prinsipal, si Mr. Danyos, ang dumating sa Sampilong.
Noon sinagot ni Pina si Bandong. Pinagtangkaang halayin ni Dislaw si Pina. Mabuti na lamang at dumalaw si Bandong na kung hindi naawat ng mga dumalo ay baka napatay si Dislaw. Sa nangyari, pinaluwas ni donya Leona sa Maynila si Dislaw.
Isang gabi, lihim na ipinahakot ni donya Leona sa mga trak ang mga palay niya sa kamalig at ipinaluwas sa Maynila upang ipagbili sa intsik doon. Isang umaga nagisnan na lamang ng Sampilong na nasusunong ang kamalig ng mga Grande. Ibinintang ang pagkasunog ng kamalig sa mga pinuno ng unyon ng mga magsasaka at sa mga pinuno ng koopertiba ng mga eskuwater. Salamat na lamang at ang mayordoma sa bahay ng mga Grande, si Iska, ay nagalit kay Kosme na mangingibig niya at siyang inutusan ng donya na sumunog sa kamalig, dahil sa hindi siya ang isinama ni Kosme sa Maynila kundi si Cely na kapatid ni Dislaw. Ipinagtapat ni Iska kay Sedes na asawa ni Andres ang lihim at ipinagtapat naman ni sedes kay Bandong.
Nahuli si Kosme at umamin sa kasalanan. Isinugod pa ni Andres ang paghahabol sa hukuman sa lupa niyang kinamkam ng mga Grande. Dahilan sa kahihiyang tinamo, hinakot ng mga grande sa Maynila ang mga kasangkapan at doon na nagpirmi. Sa Maynila , si Donya Leona ay nagkasakit ng alta presyon at nagging paralisado nang maatake. Si don Severo naman ay nagkasakit ng matinding insomya.
Samantala, napawalang saysay ang hablang administratibo laban kay Bandong at tiniyak ng Superintendente na siya ang ilalagay na prinsipal sa Sampilong sapagkat aalisin doon si Danyos dahil sa hindi makasundo ng mga guro at ng mga magulang ng mga bata.
Namanhikan si Bandong kay Pina at may hiwatig na siya ay ikakandidato sa pagka-alkalde ng kanyang mga kanayon sa susunod na halalan.
Friday, September 19, 2008
Sa Pula, Sa Puti Ni Francisco "Soc" Rodrigo
Celing: Mabuti naman, Kulas. Salamat at naalala mo akong kamustahin.
Kulas: Si Celing naman, bakit naman ganyan ang sagot mo sa akin?
Celing: Sapagkat pagkidlat ng mata mo sa umaga, wala ka ng iniisip kamustahin at himasin kundi ang iyong tinali. Tila mahal mo ang tinali mo kaysa sa akin.
Kulas: Ano ka ba naman, Celing, wala ng mas mahal pa sa akin sa buhay na ito kundi ang asawa.
(Ilalagay ang kamay sa balikat ni Celing).
Celing: Siya nga ba? Ngunit kung nakikita kong hinihimas mo ang iyong tinali, ibig ko ng kung minsang mainggit at magselos.
Kulas: Ngunit Celing, alam mo namang kaya ko lamang inaalagaang mabuti ang mga tinaling ito ay para sa atin din. Sila ang magdadala sa atin ng grasya.
Celing: Grasya ba o disgrasya, gaya ng karaniwang nangyayari?
Kulas: Huwag mo sanang ungkatin ang nakaraan. Oo, ako nga'y napagtalo noong mga nakaraang araw, sapagkat noon ay hindi pa ako bihasa sa pagpili at paghimas ng manok. Ngunit ngayon ay marami na akong natutuhan, mga bagong sistema.
Celing: At noong nakaraang Linggo, noong matalo ang iyong talisain, hindi mo pa ba alam ang mga bagong sistema.
Kulas: Iyon ay disgrasya lamang, Celing, makinig ka. Alam mo, kagabi ay nanaginip ako. Napanaginipan kong ako'y hinahabol ng isang kalabaw na puti. Kalabaw na puti, Celing!
Celing: E ano kung puti?
Kulas: Ang pilak ay puti, samakatwid ang ibig sabihin ay pilak. At ako'y hinahabol…Hinahabol ako ng pilak…ng kuwarta!
Celing: Ngunit ngayon ay wala nang kuwartang pilak.
Kulas: Mayroon pa, nakabaon lang. kaya walang duda, Celing. Bigyan mo lamang ako ng limang piso ngayon ay walang salang magkakuwarta tayo.
Celing: Ngunit, Kulas, hindi ka pa ba nadadala sa mga panaginip mong iyan? Noong isang buwan, nanaginip ka ng ahas na numero 8. Ang pintakasi noon ay nation sa a-8 ng Pebrero at sabi mo'y kuwarta na ngunit natalo ka ng anim na piso.
Kulas: Oo nga, ngunit ang batayan ko ngayon ay hindi lamang panaginip. Pinag-aralan kong mabuti ang kaliskis at ang tainga ng manok na ito. Ito'y walang pagkatalo, Celing. Ipinapangako ko sa iyo, walang sala tayo ay mananalo.
Celing: Kulas, natatandaan mo bang ganyan-ganyan din ang sabi mo sa akin noong isang Linggo tungkol sa manok mong talisain? At ano ang nangyari? Nagkaulam tayo ng pakang na manok.
Kulas: Sinabi ko nang iyon ay disgrasya!
(Maririnig uli ang sigawan sa sabungan. Maiinip si Kulas).
Sige na, Celing. Ito na lamang. Pag natalo pa ang manok na ito, hindi na ako magsasabong.
Celing: Totoong-totoo?
Kulas: Totoo. Sige na, madali ka at nagsusultada na. sige na, may katrato ako sa susunod na sultada. Pag hindi ako dumating ay kahiya-hiya.
(Titingnan ni Celing ang pagkakabalisa ni Kulas at maisip na walang saysay ang pakikipagtalo pa, iiling-iling na dudukot ng salapi sa kanyang bulsa).
Celing: O, Buweno, kung sa bagay, ay tatago lamang ako ng pera. O, heto. Huwag mo sana akong sisihan kung mauubos ang kaunting pinagbilhan ng ating palay.
Kulas:
(Kukunin ang salapi)
Huwag kang mag-alala, Celing, ito'y kuwarta na. seguradong-segurado! O, Buweno, diyan ka muna.
(Magmamadaling lalabas si Kulas, ngunit masasalubong si Sioning sa may pintuan.)
Sioning: Kumusta ka, Kulas?
Kulas:
(Nagmamadali)
Kumusta…e…eh…Sioning didispensahin mo ako. Ako lang ay nagmamadali. Eh…este…nandiyan si Celing! Heto si Sioning. Buwena-diyan ka na.
(Lalabas si Kulas).
Sioning: Celing, ano ba ang nangyayari sa iyong asawa? Tila pupunta sa sunog.
Celing: Ay, Sioning, masahol pa sa sunog ang pupuntahan. Pupunta na naman sa sabungan.
Sioning: Celing, talaga bang…
Celing: Sandali lang ha, Sioning.
(Sisigaw sa gawing kusina).
Teban! Teban! Teban!
Teban:
(Masunurin ngunit may kahinaan ang ulo).
Ano po iyon Aling Celing?
Celing:
(Kukuha ng limang piso sa bulsa at ibibigay kay Tebang).
O heto, Teban, limang piso…Nagpunta na naman ang amo mo sa sabungan. Madali, ipusta mo ito. Madali ka at baka mahuli!
Teban:
(Nagmamadaling itinulak ni Celing sa labas).
Sioning: Ipusta ang limang piso! Ano ba ito, Celing, ikaw man ba'y naging sabungera na rin?
Celing: Si Sioning naman. Hindi ako sabungera! Ngunit sa tuwing magsasabong si Kulas ay pumupusta rin ako.
Sioning: A…Hindi ka sabungera, ngunit pumupusta ka lamang sa sabong? Hoy, Celing, ano ba ang pinagsasabi mo?
Celing: O, Buweno, Sioning, maupo ka't ipaliliwanag ko sa iyo. Ngunit huwag mo namang ipaalam kaninuman.
Sioning: Oo, huwag kang mag-alala sa akin.
Celing: Alam mo, Sioning, ako'y pumupusta sa sabong upang huwag kaming matalo.
Sioning: Ah, pumupusta ka sa sabong upang huwag kayong matalo. Celing pinaglalaruan mo yata ako.
Celing: Hindi. Alam mo'y marami kaming nawawalang kuwarta sa kasasabong ni Kulas. Nag-aalaala akong darating ang araw na magdidildil na lamang kami ng asin. Pinilit kong siya'y pigilin. Ngunit madalas kaming magkagalit. Upang huwag kaming magkagalit at huwag maubos ang aming kuwarta, ay umisip ako ng paraan. May isang buwan na ngayon, na tuwing pupusta si Kulas sa kaniyang manok ay pinupusta ko si Teban sa sabungan upang pumusta sa manok na kalaban.
Sioning:
(May kahinaan din ang ulo).
Sa anong dahilan?
Celing: Puwes, kung matalo ang manok ni Kulas ay nanalo ako. At kung ako nama'y matalo at nanalo si Kulas, kaya't anuman ang mangyari ay hindi nababawasan ang aming kuwarta.Sioning. A siya nga. Siya nga pala naman.
(Mag-uumpisang Maririnig ang sigawan buhat sa sabungan).
Celing: Hayan, nagsusultada na marahil. Naku, sumasakit ang ulo ko sa sigawang iyan.
Sioning: Ikaw kasi, eh. Sukat ka bang pumili ng bahay sa tapat ng sabungan.
Celing: Ano bang ako ang pumili ng bahay na ito. Ang gusto kong bahay ay sa tabi ng simbahan, ngunit ang gusto ni Kulas ay sa tabi ng sabungan.
Sioning:
(Lalong lalakas ang sigawan).
Ah, siya nga pala, Celing naparito ako upang ibalita sa iyo na dumating na ang rasyon ng sabon sa tindahan ni Aling Kikay. Baka tayo maubusan.
Celing: Hindi, siyempre ipagtitira tayo ni Aling Kikay. Sayang lamang ang pagkukumare namin.
(Dudungaw)
O heto na nga si Teban. Tumatakbo.
(Papasok si Teban na may hawak na dalawang lilimahin).
Teban:
(Tuwang-tuwa)
Nanalo tayo, Aling Celing, nanalo tayo!
(Ibibigay ang salapi kay Aling Celing. Agad-agad namang itatago ito.)
Celing: Mabuti Teban, o magpunta ka na sa kusina. Baka dumating na si Kulas ay mahalaga ang ating ginagawa.
(Magmamadaling lalabas si Teban).
Sioning: O, Buweno, lumakad na tayo, Celing.
(Kukunin ni Celing ang tapis niyang nakasampay sa isang silya. Aalis na sila. Papasok si Kulas na tila walang kasigla-sigla).
Celing: Ano ba, Kulas, tila hindi ka inabutan ng kalabaw na puti.
Kulas:
(Mainit ang ulo)
Huwag mo ngang banggitin iyan. Talagang ako'y malas. Celing, uyo'y disgrasya kamang. Ang aking manok ay nananalo hanggang sa huling sandali. Talagang wala akong suwerte!
Celing: Iyan ang hirap sa sugal, Kulas, walang pinaghahawakan kundi suwerte!
Kulas: Talagang buwisit ang sabong! Isinusumpa ko na ang sabong! Ni ayaw ko nang Makita ang anino ng sabungang iyan.
Celing: Nawa'y magkatotoo na sana iyan, Kulas.
Kulas: Oo, Celing, ipinapangako ko sa iyo, hindi na ako magsasabong kailanman.
Celing: Buweno, magpalamig ka muna ng ulo. Pupunta lang kami kay Kumareng Kikay upang bumili ng sabon.
(Lalabas sina Celing at Sioning. Sisindihan ang natitirang kalahati ng sigarilyo, hihithit at pagkatapos ay ihahagis sa sahig at papadyakan. Pupunta sa isang silya at uupong may kalumbayan.)
Castor: Hoy, Kulas kumusta na?
Kulas: Ay, Castor…at lagi na lamang akong natatalo. Talagang ako'y malas! Akalain mo bang kanina'y natalo pa ako? Tingnan mo lang,
Castor. Noong magsagupaan ang mga manok ay lumundag agad ang manok ko at pinalo nang pailalim ang kalaban. Nagbuwelta pareho, at naggirian na parang buksingero. Biglang sabay na lumundag at nagsugapaan (nagsagupaan?) sa hangin. Palo diyan, palo dini ang ginawa ng aking manok. Madalas tamaan ang kalaban, ngunit namortalan. Sige ang batalya nila sa hangin, at tumaas ang balahibo. Unang lumagapak ang kalaban., patihaya. Lundag ang aking manok. Walang sugat at patayo, ngunit alam mo kung saan lumagpak?
Castor: O saan?
Kulas: Sa tari ng kalaban. Talagang ayaw ko na ng sabong.
Castor: Bakit naman? Wala pa namang maraming natatalo sa iyo.
Kulas: Ano bang walang marami? Halos, tutong na laang ang natitira sa aming natitipon.
Castor: Ngunit hindi tamang katwiran ang huwag ka nang magsabong.
Kulas: Ano bang hindi tama?
Castor: Sapagkat pag hindi ka na nagsabong ay Talagang patuluyan nang perdida ang kuwartang natalo sa iyo. Samantalang kung ikaw ay magsasabong pa maaaring makabawi!
Kulas: Hindi Castor, lalo lang akong mababaon. Tama si Celing. Ang sugal ay suwerte-suwerte lamang, at masama ang aking suwerte.
Castor: Ano bang suwerte-suwerte? Iyan ay hindi totoo. Tingnan mo ako, Kulas, ako'u hindi natatalo sa sabong.
Kulas: Mano nga lang magtigil ka Castor. Kung hindi sana nakikita na ang lahat ng manok mo ay laging nakabitin kung iuwi.
Castor: Ito si Kulas, nabastos ka na nga pala sa huwego. Oo, natatalo nga ang aking manok ngunit nananalo ako sa pustahan!
Kulas: Ngunit paano iyan?
Castor: Taong ito…pumupusta ako, hindi sa aking manok, kundi sa kalaban.
Kulas: Eh, kung magkataong ang manok mo ang manalo?
Castor: Hindi maaaring manalo ang aking manok. Ginagawan ko ng paraan.
Kulas: Hoy, Castor, maano nga lang huwag mo akong biruin. Masama ang ulo ko ngayon.
Castor: Ano bang biro ang sinasabi mo? Ito'y totoo. At kung di lamang kita kaibigan, ay hindi ko sasabihin sa iyo.
Kulas: Ngunit, Castor, paano mangyayari iyan?
Castor: Talaga bang gusto mo malaman?
Kulas: Aba, oo. Sige na.
Castor: O, Buweno, kunin mo ang isa sa iyong mga tinali at ipapaliwanag ko sa iyo.
Kulas: Kahit ba alin sa aking tinali?
Castor: Oo, kahit alin, sige, kunin mo.
(Lalabas si Kulas patungo sa kusina. Babalik na may dalang tinali.)
Kulas:
(Ibibigay ang tinali kay Castor).
O heto, Castor.
Castor: Ngayon, kumuha ng isang karayom.
Kulas: Karayom?
Castor: Oo, karayom. Iyong ipinanahi!
Kulas: Ah…
(Pupunta sa kahong kunalalagyan ng panahi ni Celing at kukuha ng isang karayom.)
O heto ang karayom.
Castor:
(Hawak ang tinali sa kaliwa at ang karayom sa kanan.)
O halika rito at magmasid ka. Ang lahat ng manok ay may litid sa paa na kapag iyong dinuro ay hihina ang paa. Tingnan mo…
(Anyong duduruin ni Castro ang hita ng tinali.)
Hayan!
(Ibababa ang tinali.)
Tingnan mo. Matuwid pang lumakad ang tinaling iyan. Walang sinumang makahahalata sa ating ginawa, ngunit mahina na ang paang ating dinuro, at ang manok na iyan ay hindi makapapalo.
Kulas: Samakatuwid ay hindi na nga maaaring manalo ang manok na iyan…Siguradong matatalo.
Castor: Natural, ngayon, ang dapat na lamang gawin ay magpunta sa sabungan…ilaban ang manok na iyan…at pumunta nang palihim sa kalaban.
Kulas: Siya nga pala. Magaling na paraan!
Castor: Nakita mo na? Ang hirap sa iyo ay hindi mo ginagamit ang ulo mo.
Kulas:
(Balisa)
Ngunit, Castor, hindi ba iya'y pandaraya?
Castor: Oo, pandaraya…ngunit po Diyos! Sino bang tao ang nagkakuwarta sa sugal na hindi gum,agamit ng daya? At bukod diyan, ay marami nang kuwartang natalo sa iyo. Ito'y gagawin mo lamang upang makabawi. Ano ang sama niyan?
Kulas: Siya nga, Castor, kung sa bagay, malaki na ang natatalo sa akin.
Castor: At akala mo kay, sa mga pagkatalo mong iyan ay hindi ka dinaya.
Kulas: Kung sa bagay…
Castor: Nakita mo na. Hindi ka mandaraya, Kulas. Gaganti ka lamang.
Kulas: Siya nga, may katwiran ka.
Castor: O…eh…ano pa ang inaantay mo? Tayo na.
Kulas: Este…Castor…eh…hintayin lamang natin si Celing, ang aking asawa.
Castor: Bakit, ano pa ang kailangan?
Kulas: Alam mo na ang aking asawa ang may hawak ng supot sa bahay na ito.
Castor: Naku, itong si Kulas! Talunan na sa sabungan ay dehado pa sa bahay…Buweno, hintayin mo siya, ngunit laki-lakihan mo ang iyong hihingin, ha? At nang makaitpak tayo ng malaki-laki.
Kulas: Oo…Este…Castor…
Castor: O, ano na naman?
Kulas: Eh…malapit na segurong dumating si Celing…alam mo'y ayaw kong Makita ka niya rito. Huwag ka sanang magagalit kung maaari lang ay umalis ka na.
Castor:
(Tatawa)
Oo…aalis na ako. Mabuti nga at nang makahanap na ako ng kareto ng manok mo. Sumunod ka agad, ha? Pagdating mo roon malalaban agad iyan.
Kulas: Buweno, diyan ka na. Laki-lakihan mo lang ang tipak ha?
(Lalabas si Castor. Ngingiti si Kulas, hihimas-himasin ang kanyang tinali, at hahangaan ang nadurong hita ng tinali. Papasok sina Celing at Sioning.)
Celing: Ano ba yan, Kulas? At akala ko ba'y Isinusumpa mo na ang sabungan?
Kulas:
(Lulundag na palapit.)
Celing, ngayon na lamang. Walang salang tayo ay makababawi.
Celing: Naku, itong si Kulas, parang presyo ng asukal. Oras-oras ay nagbabago.
Kulas: Celing Talagang ngayon na lamang! Pag natalo pa ako ay patayin mo na ang lahat ng aking tinali. Ipinangangako ko sa iyo.
Celing: Ngunit baka pangako na naman ng napapako.
Kulas: Hindi, Celing! Hayan si Sioning, siya ang testigo.
Sioning:
(Kikindatan si Celing)
Siya nga naman. Celing, bigyan mo na, ako ang testigo.
Celing: O buweno, ngunit tandaan mo, ito na lamang ha?
Kulas: Oo, Celing, itaga mo sa bato!
Celing: Magkano ba ang kailangan mo?
Kulas: Eh…dalawampung piso lamang.
Celing: Dalawampung piso?
Sioning: Susmaryosep!
Kulas: Oo, Celing. Dalawampung piso, upang tayo ay makabawi.
(Mag-aatubili si Celing).
Sioning: Sige na, Celing. Tutal ito naman ay kahuli-hulihan.
Celing: O buweno, heto.
(Bibigyan ng dalawampung piso si Kulas. Kukunin ang salapi sa baul)
Kulas:
(Kukunin ang salapi)
Ay, salamat sa iyo, Celing. Ito'y kuwarta na. Hindi ka magsisisi. O buweno, diyan na muna kayo, hane?
(Magmamadaling lalabas si Kulas na dala ang kanyang tinali).
Celing:
(Susundan ng tingin si Kulas hanggang nasa malayo na)
Teban! Teban!
Sioning: Teban, madali ka!
(Papasok si Teban buhat sa kusina)
Teban: Opo, opo, Aling Celing.
Celing: O heta ang pera. Nasa sabungan na naman ang iyong amo.
Sioning: Madali ka. Teban, ipusta mo iyan sa manok ng kalaban.
Teban:
(Magugulat sa dami ng salapi).
Dalawampung piso ito a…
Celing: Oo, dalawampung piso. Sige, madali ka na.
Teban:
(Hindi maintindihan)
ito ba'y itotodo ko?
Sioning: Oo, todo.
Teban: Opo, naku! Malaking halaga ito…
(lalabas si Teban).
Celing: Ikaw naman, Sioning, bakit inayunan mo pa si Kulas?
Sioning: Hindi bale. Tutal, wala naman kayo sa pagkatalo.
Celing: Kung sa bagay. Ngunit hindi lamang ang kuwarta ang aking ipinagdaramdam.
Sioning: Eh ano pa?
Celing: Ang iba pang masasamang bunga ng bisyo…Sioning, alam mo namang ang bisyo ay nagbubuntot. Karaniwang kasama ng bisyo a ng pandaraya, pagnanakaw…at kung anu-ano pa.
Sioning: Ngunit nangako naman si Kulas na ito na ang huli.
Celing: Oo nga, ngunit isulat mo sa tubig ang pangakong iyan.
(Lalong lalakas ang sigawan)
Sioning: Ang hirap sa iyo, Celing, e…hindi mo tigasan ang loob mo. Tingnan mo ako. Noong ang aking asawa ay hindi makatkat sa monte, pinuntahan ko siya isang araw sa kanilang klub at sa harap ng lahat minura ko siya mula ulo hanggang talampakan. E, di mula noo'y hindi na siya nakalitaw sa klub.
Celing: Ngunit natatandaan mo ba Sioning na ikaw nama'y hindi nakalabas ng bahay nang may limang araw, hindi ba dahil sa nangingitim ang buong mukha mo?
Sioning: Oo nga, ngunit iyon ay sandali lamang. Pagkaraan niyon ay esta bien, tsokolate na naman kami.
Celing: Hindi ko yata magagawa iyon. Magaan pa sa akin ang magtiis lamang.
(Agad huhupa ang sigawan).
Sioning: Ayan, tila tapos na ang sultada. Sino kaya ang nanalo?
Celing: Malalaman natin pagdating ni Teban. Siya'y umuwi agad, upang huwag silang mag-abot ni Kulas.
Sioning: Celing, mag-iingat ka naman sa pagtitiwala ng pera kay Teban.
Celing: Huwag mong alalahanin si Teban. Siya'y mapagkakatiwalaan.
Sioning: Siya nga, ngunit tandaan mong ang kuwarta ay Mainit kapag nasa palad na ng tao.
Celing: Huwag kang mag-alala…
(Papasok si Teban)
Teban:
(Walang sigla)
Aling Celing, natalo po tao.
Celing: A, natalo. O hindi bale. Tutal nanalo naman si Kulas. Buweno, Teban, magpunta ka na sa kusina at baka dumating ang iyong amo.
(Lalabas si Teban)
Sioning: Talagang magaan ang paraan mong iyan, Celing.
Celing:
(Nalulungkot)
Siya nga.
Sioning: O, Celing bakit ka malungkot?
Celing: Dahil sa nanalo si Kulas.
Sioning: O, e ano ngayon. Kay nanalo si Kulas, kay manalo ka, hindi naman mababawasan ang iyong kuwarta. At ikaw pa rin lamang ang maghahawak ng supot.
Celing: Oo nga, ngunit ang alaala ko'y…Ngayong manalo si Kulas, lalo siyang maninikit sa sabungan.
(Papasok si Kulas na nalulumbay).
Kulas: Ay, Celing, Talagang napakasama ng aking suwerte! Hindi na ako magsasabong kailanman.
Sioning: Ha?
Celing: Ano kamo?
Kulas: Talagang buwisit ang sabong! Isinusumpa ko na!
Celing: Ngunit, Kulas hindi ba't nanalo ka?
Kulas: Hindi, natalo na naman ako! At natodas ang dalawampung piso!
Celing:
(May hinala)
Kulas, huwag mo sana akong ululin. Alam kong nanalo ka.
Kulas: Sino ba ang may sabi sa iyong ako'y nanalo? Bakit ba ako nakinig sa buwisit na si Castor.
Celing: Kulas, hindi mo ako makukuha sa drama. Isauli mo rito ang dalawampung piso.
Kulas: Diyos na maawain, saan ako kukuha?
Celing:
(Lalo pang maghihinala)
Teka, baka kaya ikaw Kulas, ay mayroon nang kulasisi…at ipinatuka ang dalawampung piso.
Kulas: Celing, ano bang kaululan ito? Isinusumpa kong natalo ang dalawampung piso. Sino baga ang nagkwento sa iyo na ako'y nanalo.
Celing: Si Teban. Nanggaling siya sa sabungan.
Sioning:
(Magliliwanag ang mukha)
A teka, Celing, baka si Teban ang kumupit ng kuwarta.
Celing: Siya nga pala.
Sioning: Sinabi ko na sa iyo, huwag kang masyadong magtitiwala.
(Pupunta si Celing sa pintuan ng kusina).
Celing: Teban! Teban!
(Lalabas si Teban)
Teban: Ano po iyon?
Celing: Teban, hindi ko akalain na ikaw ay magnanakaw.
Teban: Magnanakaw? Ako? Bakit po?
Celing: At bakit pala? Isauli mo rito ang pera.
Teban: Alin pong pera?
Celing: Ang dalawampung pisong dala mo sa sabungan kanina.
Teban: Aba e, natalo po, e.
Celing: Sinungaling! Ano bang natalo! Kung natalo ka, nanalo sana si Kulas. Ngunit natalo sa Kulas, samakatuwid nanalo ka.
Teban:
(Hindi maintindihan)
Ha? Ano po? Kung ako'y natalo…ay…
Kulas: 'Tay kayo. Tila gumugulo ang salitaan. Teban, ikaw ba'y pumusta sa sabong kanina?
Teban: Opo.
Kulas: Saan ka nagnakaw ng kuwarta?
Teban: Kay Aling Celing po.
Kulas: Ha? Nagnakaw ka kay Aling Celing?
Teban: E…hindi po. Pinapusta po ako ni Aling Celing.
Kulas: A, ganoon! Hoy, Celing pinipigilan mo ako sa pagsabong, ha? Ikaw pala'y sabungerang pailalim.
Sioning: Hindi, Kulas, pumupusta lamang si Celing sa kalaban ng manok mo.
Kulas:
(kay Celing)
A…at ako pala'y kinakalaban mo pa, ha?
Celing: Huwag kang magalit, Kulas. Ako'y pumupusta sa manok na kalaban para kahit ikaw ay manalo o matalo ay hindi tayo
awawalan.
Kulas: Samakatuwid, kahit pala manalo ang aking manok ay bale wala rin.
Sioning: Siya nga at kahit naman matalo ay bale mayroon din.
Kulas: E, sayang lamang ang kahihimas at kabubuga ko ng usok sa manok. Ako pala'y parang ulol na…
Celing: Teka muna. Ang liwanagin muna natin ay ang dalawampung piso. Teban, saan mo dinala ang pera?
Kulas: Celing, ako man ay natalo sa pinupustahan sapagkat sa manok ng kalaban din ako pumusta.
Sioning: Naku, at lalong nag-block out.
Celing:
(Kay Kulas)
Pumusta ka sa kalaban ng manok mo?
Kulas: Oo, alam mo'y pinilayan ko ang aking tinali upang seguradong matalo at pumusta ako sa manok ng kalaban. Ngunit, kabibitiw pa lamang ay tumakbo na ang diyaskeng manok ng kalaban at nanalo ang aking manok.
Celing: A…gusto mong maniyope? Ikaw ngayon ang matitiyope
(Tatawa)
Kulas: Aba, at nagtawa pa.
Sioning: Siyanga. Bakit ka nagtatawa, Celing?
Celing:
(Tumatawa pa)
Sapagkat ako'y tuwang-tuwa, Sioning, dito ka maghapunan mamayang gabi. At anyayahon mo sina Kumareng Kikay at ang iba pang kaibigan. Ako'y maghahanda.
Kulas: Ha! Maghahanda?
Celing: Oo, Teban, ihanda mo ang mga palayok, ha? At hiramin mo ang kaserola ni Ate Nena.
Teban: Opo, opo.
(Lalabas sa pintuan ng kusina)
Kulas: Ngunit paano tayo maghahanda? Ngayon lang ay natalunan tayo ng mahigpit apatnapung piso.
Celing: Hindi bale. Ibig kong ipagdiwang ang iyong huling paalam sa sabungan.
Kulas: Huling paalam?
Celing: Oo, sapagkat ikaw ay nangako at nanumpa at bukod diyan hindi na tayo kailangang bumili pa ng ulam.
Kulas: Bakit?
(Tatawa sina Sioning at Celing. Hindi tatawa si Kulas ngunit pagkailang saglit ay tatawa rin siya. Mag-uumpisa na naman ang sigawan sa sabungan ngunit makikita sa kilos ni Kulas na kailanman ay hindi na siya magsasabong.)
Tata Selo ni Rogelio Sikat
Maliit lamang sa simula ang kalumpon ng taong nasa bakuran ng munisipyo, ngunit ng tumaas ang araw, at kumalat na ang balitang tinaga at napatay si Kabesang Tano, ay napuno na ang bakuran ng bahay-pamahalaan.
Naggitgitan ang mga tao, nagsiksikan, nagtutulakan, bawat isa’y naghahangan makalapit sa istaked.
“Totoo ba, Tata Selo?”
“Binawi niya ang aking saka kaya tinaga ko siya.”
Nasa loob ng istaked si Tata Selo. Mahigpit na nakahawak sa rehas. May nakaalsang putok sa noo. Nakasungaw ang luha sa malabo at tila lagi nang may inaaninaw na mata. Kupas ang gris niyang suot, may mga tagpi na ang siko at paypay. Ang kutod niyang yari sa matibay na supot ng asin ay may bahid ng natuyong putik. Nasa harap niya at kausap ang isang magbubukid ang kanyang kahangga, na isa sa nakalusot sa mga pulis na sumasawata sa nagkakagulong tao.
“Hindi ko ho mapaniwalaan, Tata Selo,” umiiling na wika ng kanyang kahangga, “talagang hindi ko ho mapaniwalaan.”
Hinaplus-haplos ni tata Selo ang ga-daliri at natuyuan na ng dugong putok sa noo. Sa kanyang harapan, di kalayuan sa istaked, ipinagtitilakan ng mga pulis ang mga taong ibig makakita sa kanya. Mainit ang Sikat ng araw na tumatama sa mga ito, walang humihihip na hangin at sa kanilang ulunan ay nakalutang ang nagsasalisod na alikabok.
“Bakit niya babawiin ang saka?” tanong ng Tata Selo. “Dinaya ko na ba siya sa partihan? Tinuso ko na ba siya? Siya ang may-ari ng lupa at kasama lang niya ako. Hindi ba’t kaya maraming nagagalit sa akin ay dahil sa ayaw kong magpamigay ng kahit isang pinangko kung anihan?”
Hndi pa rin umalis sa harap ng istaked si Tata Selo. Nakahawak pa rin siya sa rehas. Nakatingin siya sa labas ngunit wala siyang sino mang tinitingnan.
Hindi mo na sana tinaga ang Kabesa,” anang binatang anak ng pinakamayamang propitaryo sa San Roque, na tila isang magilas na pinunong bayan nakalalahad sa pagitan ng maraming tao sa istaked. Mataas ito, maputi, nakasalaming may kulay, at nakapamaywang habang naninigarilyo.
“Binabawi po niya ang aking saka,” sumbong ni Tata Selo. “Saan pa po ako pupunta kung wala na akong saka?”
Kumumpas ang binatang mayaman. “Hindi katwiran iyan para tagain mo ang Kabesa. Ari niya ang lupang sinasaka mo. Kung gusto ka niyang paalisin, mapapaalis ka niya anumang oras.”
Halos lumabas ang mukha ni Tata Selo sa rehas.
“Ako po’y hindi ninyo nauunawaan,” nakatingala at nagpipilit ngumiting wika niya sa binatang nagtapon ng sigarilyo at mariing tinapakan pagkatapos. “alam po ba ninyong dating amin ang lupang iyon? Naisangla lamang po nang magkasakit ang aking asawa, naembargo lamang po ng Kabesa. Pangarap ko pong bawiin ang lupang iyon kaya nga po ako hindi nagbibigay ng kahit isang pinangko kung anihan. Kung hindi ko na naman po mababawi, masasaka man lamang po.nakikiusap po ako sa Kabesa kangina. ‘kung maaari po sana, ‘Besa’’, wika ko po, ‘kung maaari po sana, huwag naman po ninyo akong paalisin. Kaya ko pa pong magsaka, ‘Besa. Totoo pong ako’y matanda na, ngunit ako pa nama’y malakas pa.’ Ngunit…Ay! Tinungkod po niya ako nang tinungkod, Tingnan po n’yong putok sa aking noo, tingnan po ‘nyo.”
Dumukot ng sigarilyo ang binata. Nagsindi ito at pagkaraa’y tinalikuran si Tata Selo at lumapit sa isang pulis.
“Pa’no po ba’ng nangyari, Tata Selo?”
Sa pagkakahawak sa rehas, napabaling si Tata Selo. Nakita niya ang isang batang magbubukid na nakalapit sa istaked. Nangiti si Tata Selo. Narito ang isang magbubukid, anak-magbubukid na naniniwala sa kanya. Nakataas ang malapad na sumbrerong balanggot ng bata. Nangungulintab ito, ang mga bisig at binti ay may halas. May sukbit itong lilik.
“Pinuntahan niya ako sa aking saka, amang,” paliwanag ni Tata Selo. “Doon ba sa may sangka. Pinaalis ako sa aking saka, ang wika’y iba na raw ang magsasaka. Nang makiusap ako’y tinungkod ako. Ay! Tinungkod ako, amang, nakikiusap ako sapagkat kung mawawalan ako ng saka ay saan pa ako pupunta?”
“Wala na nga kayong mapupuntahan, Tata Selo.”
Gumapang ang luha sa pisngi ni Tata Selo. Tahimik na nakatingin sa kanya ang bata.
“Patay po ba?”
Namuti ang mga kamao ni Tata Selo sa pagkakahawak sa rehas. Napadukmo siya sa balikat.
“Pa’no po niyan si Saling?” muling tanong ng bata. Tinutukoy nito ang maglalabimpitong anak ni Tata Selo na ulila na sa ina.
Katulong ito kina Kabesang Tano at kamakalawa lamang umuwi kay Tata Selo. “Pa’no po niyan si Saling?”
Lalong humigpit ang pagkakahawak ni Tata Selo sa rehas. Hindi pa nakakausap ng alkalde si Tata Selo. Mag-aalas-onse na nang dumating ito, kasama ang hepe ng pulis. Galing sila sa bahay ng kabesa. Abut-abot ang busina ng dyip na kinasaksakyan ng dalawang upang mahawi ang hanggang noo’y di pa nag-aalisang tao.
Tumigil ang dyip sa di-kalayuan sa istaked.
“Patay po ba? Saan po ang taga?”
Naggitgitan at nagsiksikan ang mga pinagpawisang tao. Itinaas ng may-katabaang alkalde ang dalawang kamay upang payapain ang pagkakaingay. Nanulak ang malaking lalaking hepe.
“Saan po tinamaan?”
“Sa bibig.” Ipinasok ng alkalde ang kanang palad sa bibig, hinugot iyon at mariing ihinagod hanggang sa kanang punog tainga. “Lagas ang ngipin.”
Nagkagulo ang mga tao. Nagsigawan, nagsiksikan, naggitgitan, nagtulakan. Nanghataw ng batuta ang mga pulis. Ipinasya ng alkalde na ipalabas ng istaked si Tata Selo at dalhin sa kanyang tanggapan. Dalawang pulis ang kumuha kay Tata Selo sa istaked.
“Mabibilanggo ka niyan, Tata Selo,” anang alkalde pagkapasok ni Tata Selo. Umupo si Tata Selo sa silyang nasa harap ng mesa. Nanginginig ang kamay ni Tata Selo nang ipatong niya iyon sa nasasalaminang mesa.
“Pa’no nga ba’ng nangyari?” kunot at galit na tanong ng alkalde.
Matagal bago nakasagot si Tata Selo.
“Binawi po niya ang aking saka, Presidente,” wika ni Tata Selo. “Ayaw ko pong umalis doon. Dati pong amin ang lupang iyon, amin, po, Naisangla lamang po at naembargo—“
“Alam ko na iyan,” kumukupas at umiiling na putol ng nabubugnot na alkalde.
Lumunok si Tata Selo. Nang muli siyang tumingin sa presidente, may nakasungaw nang luha sa kanyang malalabo at tila lagi nang may inaaninaw na mata.
“Ako po naman, Presidente, ay malakas pa,” wika ni Tata Selo. “Kaya ko pa pong magsaka. Makatuwiran po bang paalisin ako? Malakas pa po naman ako, Presidente, malakas pa po.”
“Saan mo tinaga ang Kabesa?”
Matagal bago nakasagot si Tata Selo.
“Nasa may sangka po ako nang dumating ang Kabesa. Nagtatapal po ako ng pitas na pilapil. Alam ko pong pinanonood ako ng kabesa, kung kaya po naman pinagbuti ko ang paggawa, para malaman niyang ako po’y talagang malakas pa, kaya ko pa pong magsaka. Walang anu-ano po, tinawag niya ako at nang ako po’y lumapit, sinabi niyang makakaalis na ako sa aking saka sapagkat iba na ang magsasaka.
‘Bakit po naman, ‘Besa?’ tanong ko po. Ang wika’y umalis na lang daw po ako. ‘Bakit po naman, ‘Besa?’ Tanong ko po uli, ‘malakas pa po naman ako, a’ Nilapitan po niya ako. Nakiusap pa po ako sa kanya, ngunit ako po’y… Ay! Tinungkod po niya ako ng tinungkod nang tinungkod.”
“Tinaga mo na no’n,” anag nakamatyag na hepe.
Tahimik sa tanggapan ng alkalde. Lahat ng tingin—may mga eskribante pang nakapasok doon—ay nakatuon kay Tata Selo. Nakayuko si Tata Selo at gagalaw-galaw ang tila mamad na daliri sa ibabaw ng maruming kutod. Sa pagkakatapak sa makintab na sahig, hindi mapalagay ang kanyang may putik, maalikabok at luyang paa.
“Ang iyong anak, na kina Kabesa raw?” usisa ng alkalde.
Hindi sumagot si Tata Selo.
“Tinatanong ka anang hepe.”
Lumunok si Tata Selo.
“Umuwi na po si Saling, Presidente.”
“Kailan?”
“Kamakalawa po ng umaga.”
“Di ba’t kinakatulong siya ro’n?”
“Tatlong buwan na po.”
“Bakit siya umuwi?”
Dahan-dahang umangat ang mukha ni Tata Selo. Naiiyak na napayuko siya.
“May sakit po siya.”
Nang sumapit ang alas-dose—inihudyat iyon ng sunod-sunod na pagtugtog ng kampana sa simbahan na katapat lamang ng munisipyo—ay umalis ang alkalde upang mananghalian. Naiwan si Tata Selo, kasama ang hepe at dalawang pulis.
“Napatay mo pala ang kabesa,” anang malaking lalaking hepe. Lumapit ito kay Tata Selo na Nakayuko at di pa natitinag sa upuan.
“Binabawi po niya ang aking saka.” Katwiran ni Tata Selo. Sinapo ng hepe si Tata Selo. Sa lapag halos mangudngod si Tata Selo.
“Tinungkod po niya ako ng tinungkod,” nakatingala, umiiyak at kumikinig ang labing katwiran ni Tata Selo.
Itinayo ng hepe si Tata Selo. Kinadyot ng hepe si Tata Selo sa sikmura. Sa sahig napaluhod si Tata Selo, nakakapit sa uniporment kaki ng hepe.
“Tinungkod po niya ako ng tinungkod… Ay! Tinungkod po niya ako ng tinungkod ng tinungkod…”
Sa may pinto ng tanggapan, naaawang nakatingin ang dalawang pulis.
“Si Kabesa kasi ang nagrekomenda kay Tsip, e,” sinabi ng isa nang si Tata Selo ay tila damit na nalaglag sa pagkakasabit nang muling pagmalupitan ng hepe.
Mapula ang sumikat na araw kinabukasan. Sa bakuran ng munisipyo nagkalat ang papel na naiwan nang nagdaang araw. Hindi pa namamatay ang alikabok, gayong sa pagdating ng buwang iyo’y dapat nang nag-uuulan. Kung may humihihip na hangin, may mumunting ipu-ipong nagkakalat ng mga papel sa itaas.
“Dadalhin ka siguro sa kabesera, Selo,” anang bagong paligo at bagong bihis na alkalde sa matandang nasa loob ng istaked. “Don ka suguro ikukulong.”
Wala ni papag sa loob ng istaked at sa maruming sementadong lapag nakasalampak si Tata Selo. Sa paligid niya’y natutuyong tamak-tamak na tubig. Naka-unat ang kanyang maiitim at hinahalas na paa at nakatukod ang kanyang tila walang butong mga kamay. Nakakiling, naka-sandal siya sa steel matting na siyang panlikurang dingding ng istaked. Sa malapit sa kanyang kamay, hindi na gagalaw ang sartin ng maiitim na kape at isang losang kanin. Nilalangaw iyon.
“Habang-buhay siguro ang ibibigay sa iyo,” patuloy ng alkalde. Nagsindi ito ng tabako at lumapit sa istaked. Makintab ang sapatos ng alkalde.
“Patayin na rin ninyo ako, Presidente.” Paos at bahagya nang narinig si Tata Selo. Napatay ko po ang Kabesa. Patayin na rin ninyo po ako.”
Takot humipo sa maalikabok na rehas ang alkalde. Hindi niya nahipo ang rehas ngunit pinagkiskis niya ng mga palad at tiningnan niya kung may alikabok iyon. Nang tingnan niya si Tata Selo, nakita niyang lalo nang nakiling ito.
May mga tao namang dumarating sa munisipyo. Kakaunti lang iyon kaysa kahapon. Nakapasok ang mga iyon sa bakuran ng munisipyo, ngunit may kasunod na pulis. Kakaunti ang magbubukid sa bagong langkay na dumating at titingin kay Tata Selo. Karamihan ay taga-Poblacion. Hanggang noon, bawat isa’y nagtataka, hindi makapaniwala, gayong kalat na ang balitang ililibing kinahapunan ang Kabesa. Nagtataka at hindi makapaniwalang nakatingin sila kay Tata Selo na tila isang di pangkaraniwang hayop na itatanghal.
Ang araw, katulad kahapon, ay mainit na naman. Nang magdadakong alas-dos, dumating ang anak ni Tata Selo. Pagkakita sa lugmok na ama, mahigpit itong napahawak sa rehas at malakas na humagulgol.
Nalaman ng alkalde na dumating si Saling at ito’y ipinatawag sa kanyang tanggapan. Di-nagtagal at si Tata Selo naman ang ipinakaon. Dalawang pulis ang umalalay kay Tata Selo. Halos buhatan siyang dalawang pulis.
Pagdating sa bungad ng tanggapan ay tila saglit na nagkaroon ng lakad si Tata Selo. Nakita niya ang babaing nakaupo sa harap ng mesa ng presidente.
Nagyakap ang mag-ama pagkakita.
“Hindi ka na sana naparito Saling,” wika ni Tata Selo na napaluhod. “May sakit ka, Saling, may sakit ka!”
Tila tulala ang anak ni Tata Selo habang kalong ang ama. Nakalugay ang walang kintab niyang buhok, ang damit na suot ay tila yaong suot pa nang nagdaang araw. Matigas ang kanyang namumulang mukha. Pinalipat-lipat niya ang tingin mula sa nakaupong alkalde hanggang sa mga nakatinging pulis.
“Umuwi ka na, Saling” hiling ni Tata Selo. “Bayaan mo na…bayaan mo na. Umuwi ka na, anak. Huwag, huwag ka nang magsasabi…”
Tuluyan nang nalungayngay si Tata Selo. Ipinabalik siya ng alkalde sa istaked. Pagkabalik niya sa istaked, pinanood na naman siya ng mga tao.
“Kinabog kagabi,” wika ng isang magbubukid. “Binalutan ng basang sako, hindi ng halata.”
“Ang anak, dumating daw?”
“Naki-mayor.”
Sa isang sulok ng istaked iniupo ng dalawang pulis si Tata Selo. Napasubsob si Tata Selo pagkaraang siya’y maiupo. Ngunit nang marinig niyang muling ipinanakaw ang pintong bakal ng istaked, humihilahod na ginapang niya ang rehas. Mahigpit na humawak doon at habang nakadapa’y ilang sandali ring iyo’y tila huhutukin. Tinawag siya ng mga pulis ngunit paos siya at malayo na ang mga pulis. Nakalabas ang kanang kamay sa rehas, bumagsak ang kanyang mukha sa sementadong lapag. Matagal siyang nakadapa bago niya narinig na may tila gumigising sa kanya.
“Tata Selo…Tata Selo…”
Umangat ang mukha ni Tata Selo. Inaninaw ng mga luha niyang mata ang tumatawag sa kanya.
Iyon ang batang dumalaw sa kanya kahapon.
Hinawakan ng bata ang kamay ni Tata Selo na umabot sa kanya.
“Nando’n amang si Saling sa Presidente,” wika ni Tata Selo. “Yayain mo nang umuwi, umuwi na kayo.” Muling bumagsak ang kanyang mukha sa lapag. Ang bata’y saglit na nag-paulik-ulik, pagkaraa’y takot at bantulot nang sumunod…
Mag-iikaapat na ng hapon. Padahilig na ang sikat ng araw, ngunit mainit pa rin iyon. May kapiraso nang lihin sa istaked, sa may dingding na steel matting, ngunit si Tata Selo’y wala roon. Nasa init siya, nakakapit sa rehas sa dakong harapan ng istaked. Nakatingin siya sa labas, sa kanyang malalabo at tila lagi nang nag-aaninaw na mata’y tumatama ang mapulang sikat ng araw. Sa labas ng istaked, nakasandig sa rehas ang batang Inutusan niya kanina. Sinabi ng bata na ayaw siyang papasukin sa tanggapan ng alkalde ngunit hindi siya pinakinggan ni Tata Selo, na ngayo’y hindi pagbawi ng saka ang sinasabi.
Habang nakakapit sa rehas at nakatingin sa labas, sinasabi niyang lahat ay kinuha na sa kanila, lahat, ay! Ang lahat ay kinuha na sa kanila…
ALAMAT NG SAMPAGUITA
Ang sampaguita, na ating pambansang bulaklak, ay may iniingatang isang magandang alamat. Ang dalawang pangunahing tauhan ay bibigyan natin ng mga makabagong pangalan, bagaman ayon sa mattanda, ang mga tagpong inilalarawan sa kuwento ay nangyari noong bago pa dumating dito sa atin ang mga Kastila.
Noo'y panahon pa ng mga baranggay at datu. Ang Balintawak at ang Gagalangin ay baranggay na magkapit-bahay. Sa pagitan ay may isang matibay na bakod na yari sa mga pinatuyong kawayan , na tuwing limang taon ay ginigiba at pinapalitan. Kung minsan, ang nagpapalit ay ang mga kawal ng datu sa Gagalangin; kung minsan naman ay ang mga kawal ng datu sa Balintawak. Ngunit ang lahat ay gumagawa alinsunod sa utos ng kani-kanilang puno.
Ang datu ng Balintawak ay mayroon daw isang anak na dalaga na walang pangalawa sa kagandahan, maging sa mukha at sa pag-uugali. Ang ngalan niya ay Rosita, wala na siyang ina, datapuwa't mayroon siyang apat na abay na pawang mga dalaga rin; sila ang nag-aasikaso sa kanyang mga pangangailangan. Maraming binatang nagingibig sa kanya, ngunit ang nakabihag ng kanyang mailap na puso ay ang anak na binata ng datu ng Gagalangin na nangangalang Delfin.
Nakapagtataka kung bakit gaong ang kanilang mga ama ay mahigpit na magkaaway ay sila'y tinubuan ng pag-ibig sa isa't isa. Marangal ang pag-ibig ni Delfin kay Rosita -- walang halong pag-iimbot, alang ano mang masamang hangarin. Sa isang sulok ng bakod ng hanggahan natatabingan ng malagong halaman, si Delfin ay gumagawa ng isang lihim na lagusan kanayang madaraanan. Kaya't kung gabing maliwanag ang buwan, malimit daw magpasayal sila ni Rosita, kasama ang mga abay na dalaga. Sinasamyo nila ang malinis na simoy ng kabukiran at pinanonood nila ang kaayaayang mukha ng buwan. Ang pag-iibigan nilang iyon ay lingid sa kaalaman ng kanilang mga magulang.
Minsan, nabalitaan ng datu ng Gagalangin na ang hanggahang bakod ay binubuwag at pinapalitan ng mga taga-Balintawak. Nag-utos siya sa ilan niyang mga tauhan upang magmasid sa ginagawang pagbabakod ng mga taga-Balintawak. Nang sila'y magbali, tumanggap siya ng blita na ang bagong bakod na itinatayo ay iniusod nang may limang talampakan sa dako ng Gagalangin, at samakatuwid ay nakakakuha sa kanilang lupa. Agad siyang nagpautos sa datu ng Balintawak.
"Sabihin ninyo," anya sa mga utusan, " na ibalik ang bakod sa dating kintatayuan. Hindi matuwid ang kanilang ginagawa, sapagka't tunay na isang pagnanakaw."
Nagalit ang datu ng Balintawak nang humarap sa kanya ang mga sugong buhat sa Gagalangin at sabihin sa kanya ang biling ng datu roon. "Sabihin niyo sa inyong datu," ang wika niya sa mga sugo," na ako'y hindi magnanakaw. Ang bakod ay binbalik ko lamang sa dapat kalgyan ayon sa natuklasan kong mga kasulatan ng aking mga nuno."
Ipinag-alab bg loob ng ama ni Delfin ang tinanggap niyang balita. Sa gayung mga alitan, ang karaniwang nagiging hangganan ay digmaan.
Inihanda ng datu ng Gagalangin ang kanyang mga hukbo. Kailangang bawiin niya sa pamamagitan ng patalim ang lupang sa palagay niya ay ninakaw sa kanya. Nang mabalitaan ng datu ng Balintawak na ang Gagalangin ay naghahanda upang siya ay digmain, iginayak din niya ang kanyang mga kawal. Nang malapit na ang araw ng paglusob ng hukbo ng Gagalangin sa mga taga-Balintawak, ang datu ay biglang dinapuan ng isang mahiwagang karamdaman at di nagtagal ay namatay. Naiwan kay Delfin ang isang mabigat na panagutan: siya ang magiging heneral ng hukbo ng Gagalangin.
Nang makarating sa kaalaman ni Rosita ang bagay na ito, siya'y kinabahan. Si Delfin ay batang-bata at wala pang gaanong karanasan sa digmaan, samatalang ang kanyang ama ay nahasa na sa maraming pakikilaban sapul pagkabata. Gayon na lamang ang kanyang pag-aalala. Ibig sana niyang magkausap sila ni Delfin upang ito'y himuking iurong na ang digmaan at mapayapang pakipag-usapan sa ama niya ang lahat. Datapuwa't wala na silang panahon upang magkausap pa. Kinabukasan noo'y lalabas na sa larangan ang kanyang ama sa unahan ng isang malaking hukbo.
Naging madugo ang labanan nang magsagupa ang dalawang hukbo. Maraming nalagas sa magkabilang panig. Si Delfin ay natadtad ng sugat , at dahil sa masaganang dugong nawala sa kanya, siya'y nabuwal na lamang at sukat sa lupa. Bago siya nalagutan ng hininga, ipinagbilin niya sa kanyang mga kawal na doon siya ilibing sa tabi ng hanggahang bakod, malapit sa lihim na lagusang dinaraanan niya kung gabing maliwanag ang buwan at sila ni Rosita, kama ng mga abay nito, ay mapayapang namamasyal sa makapal na damuhan.
Hindi nabanggit ng mga matatandang nagkuwento ang sinapit na buhay ng dalawang magsing-ibig, kung ano ang naging hanggan ng labanan. Ang sabi lamang nila ay ganito : nang mabalitaan ni Rosita ang pagkamatay ni Delfin sa labanan, ang dalaga'y nagkasakit sa matinding dalamhati. Nagpatawag ng magagaling na mangagamot ang datung ama niya, ngunit sino man sa kanila'y hindi nakapagpagaling sa kaawa-awang dalaga. Unti-unti itong pinanawan ng lakas. Nang sa palagay ni Rosita ay hindi siya magtatagal, hiningi niya sa kanyang ama na ang bangkay niya'y doon lamang ilibing sa tabi ng pinaglibingan kay Delfin. Masaklap man sa kalooban ng datu, pinagbigyan niya ang kahilingan ng minamahal niyang anak.
Maraming taon ang lumipas mula noon. Nawala na ang mga baranggay at dumating na ang mga Kastila. Naitatag na ang siyudad ng Maynila. At buhat noo'y marami ng tao sa Balintawak at sa Gagalangin. Ngunit ang mga tao sa dalawang pook na ito ay naliligalig sa isang mahiwagang bagay. Kung buwan daw ng Mayo, lalu na kung mga gabing maliwanag ang buwan, may mahiwagang tinig na naririnig ang nagsisipanirahan sa may pagitan ng ng dalwang nayong naturan. Ang tinig ay waring sa isang babae at malambing daw na parang marahang bulong ng panggabing hanging humahalik sa mga dahon ng halaman. "Sumpa kita! ...Sumpa kita!" ang winiwika raw ng tinig. Ngunit ang mga tao, kung minsa't sila'y nagbabantay, ay wala namang nakikita. Napansin nila na ang waring nagmumula sa isang masukal na dako, na sinibulan ng dalawang puno ng halamang ang mga bulaklak ay may kaliitan datapuwa't maputi, maraming talulot at ang iwing bango'y pambihira. Ganyan ang lagi nang nasasaksihan ng mga tao roon kung buwan ng Mayo, taun-taon.
Sa di-kawasa'y naisipan nilang hukayin ang dalawang halamang iyon upang matuklasan ang hiwaga ng malambing na tinig at ang kahulugan ng mga salitang sinasambit. Hindi naman sila gaanong naghirap. Nguni't ang kanilang pagtataka'y lalo pang nadagdagan nang makita nilang ang dalwang puno ng mababangong halaman ay nagmumula sa mga bibig ng dalawang bungong hindi gaanong nagkakalayo sa pagkakabaon, at nakakabit pa rin sa kalansay. Ngayo'y nanariwa sa alala ng mga matatanda ang kasaysayan ng dalawang kapos-palad - Si Delfin at si Rosita. Samantala....
Ang kuwento'y nagkasalin-salin sa maraming bibig, at ang "Sumpa kita!" na inihahatid ng panggabing simoy sa pandinig ng mga nagmamatyag ay naging "Sampaguita" , na siyang iningalan na tuloy sa mahalimuyak na bulaklak ng halamang tumutubo sa libing ng magsing-irog.
Alamat ng Gintong Bata Sa Puting Calabaza
KAKATWA at kakaiba ang maliit na bahay, gawa sa kawayan, ng isang lalaki at isang babaing nabubuhay sa mga gulay na tanim nila sa malaking bakuran. Mabait ang mag-asawa at mabuti ang turing sa kanila ng lahat ng mga kapitbahay. Subalit hindi sila maligaya sapagkat wala pa silang anak, bagay na maraming taon na nilang hinangad. Ipinag-dadasal nila araw-araw na kahit babae o lalaki, magka-anak lamang sila, subalit walang sagot ang kanilang mga panalangin. At ngayong tumatanda na sila, nawawalan na sila ng pag-asa.
Isa sa mga tanim nila sa bakuran ay puting calabasa na mayabong na nagbubunga buong taon, kaya hindi sila nawawalan ng pagkain kahit kailan, hanggang isang araw nang napansin nilang walang umuusbong na calabasa. Inusisa nilang maigi at inalagaan ang halaman araw-araw subalit kahit panay ang sulpot ng malalaking dilaw na bulaklak na, pagkalanta at pagkatuyo ay dapat sanang mapalitan ng usbong na bunga. Subalit wala kahit isang calabasa na lumitaw at nagsimulang magutom ang mag-asawa.
Isang umaga, pagkaraan ng mahabang panahon, napasigaw sa galak ang asawang babae nang masipat niya ang isang maliit na usbong. Ipinasiya ng mag-asawa na huwag kainin agad ang calabasa, hintaying lumaki at mahinog ito upang magkaruon sila ng mga buto na maitatanim uli sa bakuran.
Lumaking napaka-gandang puting calabasa ang bunga subalit napakatagal nahinog kaya, sa gutom, nagbago ang isip ng mag-asawa at pinitas ang gulay upang kainin. Hihiwain na sana nila ang calabasa nang narinig nila mula sa luob ang isang tinig.
“Mag-ingat kayo at baka mahiwa ako!”
Natigilan ang mag-asawa, akala minumulto sila, subalit nagsalita uli mula sa luob ng calabasa.
“Buksan n’yo na, nang makalabas ako!”
Maingat nilang hiniwa at lumabas ang isang sanggol na lalaki. Nakakatayo at nakakapag-salita na ang bata. Tuwang-tuwa ang mag-asawa, may “anak” na sila! Agad umigib ng tubig ang asawang babae at naglatag ng banig upang paliguan ang bagong panganak na “anak.” Tuwing buhos ng tubig sa bata, bawat patak ay naging ginto kaya matapos ng ligo, natakpan ng ginto ang buong banig! Lalong nalugod ang mag-asawa, may “anak” na sila, yumaman pa sila sa ginto.
Sapat na dapat ang nakamit ng mag-asawa, subalit pagmasid nila sa ginto, hinangad nila ang mas marami pa. Kinabukasan, pinaliguan uli ng asawang babae ang “anak” at natakpan uli ng ginto ang banig. May sapat na silang yaman upang magpagawa ng isang malaking bahay, subalit gusto pa nila ng higit. Kaya sa ika-3 araw, umigib uli ng tubig na pampaligo ang asawang babae, subalit nalungkot ang “anak,” umalis at naglaho. Kasabay, naglaho rin ang lahat ng ginto. Naiwang nag-iisa ang mag-asawa na, tulad ng dati, ay mahirap at walang anak.
Mga Alamat
SABI sa mga alamat, nagka-panahon nuong nakaraan, ang mga diwata o diyos ay namuhay tulad at kasa-kasama ng mga tao. Kahit na sila ay may hiwaga, nagsalita sila at umibig, namili sa talipapa at iba pang karaniwang gawain ng mga tao hanggang ngayon. Ang alamat ni Mariang Makiling ay tungkol sa 2 ganitong diwata nuong Unang Panahon, sina Gat Panahon at Dayang Makiling, at ang kaisa-isa nilang anak, si Maria.
Maganda at magiliw si Maria, at wiling-wili ang mag-asawang diwata sa anak na itinuring nilang kanilang kayamanan at ligaya sa buhay. Diwata rin tulad ng mga magulang, hindi karaniwan si Maria subalit naki-halubilo siya at nakipag-usap sa mga tao.
Naging ugali niya ang mamasyal sa talipapa kapag araw, naka-damit ng sutla (seda, silk) na may borda (embroidered ) ng mga bulaklak, ang uso nuon. Ang makapal niyang buhok, abot hanggang sakong (talón, heel ) ang haba, ay may sabit na mga bulaklak ng suha ( pomelo, grapefruit). Marikit ang kanyang mga mata (ojos, eyes) kaya pati mga babae ay naakit makiharap sa kanya. Pagdaan niya, yumuyuko ang mga tao sa magalang na pagbati.
Dalawang katulong na Aeta ang lagi niyang kasama pagpunta sa talipapa. Hindi lumalayo ang mga Aeta, bitbit ang isang buslo (basket) ng luya na ipinagpa-palit ni Mariang Makiling - wala pang salapi nuon, at ang “bilihan” sa katunayan ay palitan lamang ng mga dala-dalang bagay - sa mga salakot,
banig (sleeping mats), at sutla (seda, silk).
Isang araw, nagtungo sa talipapa ng Makiling si Gat Dula, ang panginuon sa nayon ng Bai, upang mamili at mag-aliw. Siksikan ang mga tao duon sapagkat “araw ng pamilihan” nuon, at lahat sa nayon ay nasa talipapa. Pati ang mga taga-kalapit baranggay at nayon ay dumayo upang magkalakal din, bitbit ang kanilang mga “paninda.” Nanduon din nuon si Mariang Makiling at nagkataon, nakasabay niya si Gat Dula sa “pagtawad” sa isang piraso ng balat ng hayop. Kapwa nakaharap sa nagtitinda, nagkadikit ang kanilang mga balikat, at nagkatinginan silang dalawa. Hindi sinasadya, nahipo pa ni Gat Dula ang kamay ni Mariang Makiling sapagkat hawak nilang magka-sabay ang balat ng hayop.
Bilang hindi ng paumanhin, yumuko si Gat Dula kay Maria na, sa hinhin, ay hindi sumagot at tumingin sa malayo. Nagkakilala sila at pagkaraan ng mahabang pag-uusap, nakangiti nang bahagya si Maria nang maghiwalay sila. Mula nuon, madalas dumalaw si Gat Dula sa bahay nina Gat Panahon at Dayang Makiling, subalit kahit kailan man, hindi na niya nakaharap si Mariang Makiling. Lagi siyang wala sa bahay at tumutulong sa mga tao. Nuon kasi, gawi ng mga tao kapag nagigipit na lumapit sa mga diwata at humingi ng tulong, at pakay naman ng mga diwata ang tumulong sa mga tao.
Isa pang dahilan hindi na nakita uli ni Gat Dula si Mariang Makiling: Siya ay isang nilalang na tao samantalang si Maria ay isang diwata. Gaano man katalik sila, hindi maaaring mag-ibigan ang 2 magka-ibang nilalang.
Mga Salawikain
· Ang hindi lumingon sa pinanggalingan, Hindi makakarating sa paroroonan.
· Ang taong nagigipit, kahit sa patalim kumakapit.
· Saan mang gubat ay may ahas.
· Kung anong taas ng paglipad, siya naming lalim ng pagbagsak.
· Kung sino ang pumutak ay siyang nanganak.
· Magsama-sama at malakas, magwatak-watak at babagsak.
· Matibay ang walis, palibhasa'y magkabigkis.
· Walang palayok na walang kasukat na tungtong.
· Sa taong walang takot, walang mataas na bakod.
· Ang bayaning nasusugatan, nagiibayo ang tapang.
· Marami ang matapang sa bilang, ngunit ang buo ang loob ay kulang.
· Kung ano ang puno, siya ang bunga.
· Kung walang tiyaga, walang nilaga.
· Kung may tinanim, may aanihin
· Huli man daw at magaling, naihahabol din.
· Aanhin pa ang damo, kung patay na ang kabayo.
· Ang taong nagigipit, sa patalim kumakapit.
· Ang tunay na anyaya, sinasamahan ng hila.
· Ang taong walang kibo, nasa loob ang kulo.
· Kapag apaw na ang takalan, kailangan kalusan.
· Kung di ukol, di bubukol
· Kung may isinuksok, may madudukot.
· Habang maikli ang kumot, matutong mamaluktot.
· Ang magalang na sagot, nakakapawi ng pagod.
· Ang mabigat ay gumagaan, kung pinagtutulungan.
· Ubos-ubos biyaya, pagkatapos nakatunganga.
· Pagkahaba-haba man daw ng prusisyon, sa simbahan din ang tuloy.
· Ang buhay ay parang gulong, minsang nasa ibabaw, minsang nasa ilalim.
· Ang umaayaw ay di nagwawagi, ang nagwawagi ay di umaayaw.
· Malaking puno, ngunit walang lilim.
· Nasa Diyos ang awa, nasa tao ang gawa.
· Madali ang maging tao, mahirap magpakatao.
· Ang gawa sa pagkabata, dala hanggang pagtanda.
· Kung sino ang masalita ay siyang kulang sa gawa.
· Daig ng maagap ang taong masipag.
· Ako ang nagbayo, ako ang nagsaing, saka ng maluto'y iba ang kumain.
· Kunwaring matapang, bagkus duwag naman.
· Bago ka bumati ng sa ibang uling, uling mo muna ang iyong pahirin.
· Walang naninira sa bakal kundi sariling kalawang.
· Walang lumura sa langit na di sa kanyang mukha nagbalik.
· Di lahat ng kagalingan ay may dalang katamisan.
· Pulutin ang mabuti, ang masama ay iwaksi.
· Ang maniwala sa sabi-sabi, walang bait sa sarili.
· Malakas ang bulong kaysa sigaw.
· Walang ligaya sa lupa na hindi dinilig ng luha.
· Ang kaginhawaan ay nasa kasiyahan, at wala sa kasaganaan.
· Ang pagsasabi ng tapat ay pagsasamang maluat.
· Kung saan ang hilig duon mabubuwal.
· Yaong mapag-alinlangan, madalas mapagiwanan.
· Nakikita ang butas ng karayom, hindi nakikita ang butas ng palakol.
· Ano man ang gawa at dali-dali ay hindi iigi ang pagkakayari.
· Ang taong walang pilak ay parang ibong walang pakpak.
· Mainam na ang pipit na nasa kamay kaysa lawing lumilipad.
· Ang araw bago sumikat nakikita muna'y banaag.
· Walang mahirap na gawa pag dinaan sa tiyaga.
· Huwag kang magtiwala sa di mo kakilala.
· Saan mang gubat ,ay may ahas.
· Kung ano ang itinaas-taas, siyang binaba-baba sa pagbagsak.
· Ang pagsasabi raw ng tapat ay pagsasama ng maluwat
· Paglalagay ng pera sa bulsa para raw laging may laman ito buong taon.
· Pagbabayad sa lahat ng pagkakautang bago pumasok ang Bagong Taon.
· Pag-iingay sa pamamagitan ng pagpapaputok, pagbubusina, pagpapatunog ng kampana para maitaboy ang mga masasamang espiritu.
· Pagbubukas sa lahat ng bintana sa pagsapit ng ika-alas dose sa unang araw ng taon upang itaboy ang malas at pumasok ang suwerte.
· Paghahain ng mga bilugang prutas at iba pang bilugang pagkain sa mesa para suwertehin ang lahat ng miyembro ng pamilya sa buong taon.
· Pagkain ng labindalawang ubas pagsapit ng ika-alas dose para suwertehin sa buong taon.
Lola: iho, ako ay isinumpa, isa akong prinsesa, ngunit kung ako’y iyong gagahasain. Babalik ako sa maganda kong anyo at tuluyang mapuputol ang sumpa! ..makaraan ang ilang saglit… Lalaki: ayan, tapos na. bakit hindi ka pa nagpapalit ng anyo? Lola: ilang taon ka na iho? Lalaki: 30 na ho. Lola: iyang tanda mong iyan, naniniwala ka pa sa fairytale?